Madalas nating naririnig na “sira ang sistema” kada balita ng pagtaas ng bilihin, pagkakapos ng sahod, aligasyon ng katiwalian, o mga pag-aaral na pinapakita ang lumalalang inekwalidad sa ating lipunan.⁣

Hindi sira ang sistema. Natural na produkto ng sistema ang mga problemang hinaharap natin.⁣

Ang krisis na kinakaharap ng mga ordinaryong tao – ang pagtaas ng mga bilihin, binabarat na sahod, kawalan ng trabaho, at nakalululang yaman ng iilan – ay hindi kakulangan ng polisiya. Ito ang mga natural na produkto ng isang ekonomiyang umiiral para unahin ang kita bago ang tao.⁣

⁣

⁣Ugat ng Ating Kahirapan

Ang ugat ng modelong ito sa Pilipinas ay nagsimula noong panahon ng diktadurang Marcos. Niyakap ng bansa noong dekada 70s ang isang modelong export-oriented, at foreign investment-led para sa ating ekonomiya. Ibig sabihin, nakatuon ang puhunan, imprastraktura, at direksyon ng ating mga industriya at kapital sa pagsisilbi sa mga pangangailangan ng mga dayuhang bansa at negosyo.⁣

Para magawa ito, may simpleng pang-akit ang gobyerno sa mga dayuhang negosyante: Dito kayo mamuhunan, tutubo kayo dito dahil mababa ang sahod, mura ang paggawa. Naging opisyal na polisiya ang “cheap labor regime” na ito sa pamamagitan ng Wage Rationalization Act of 1989. Dito nagsimula ang kalakalan ng pagtatakda ng sahod ayon sa mga rehiyon, mga sahod na hindi kailan man naging sapat upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa.⁣

Tinayo ng diktaduryang Marcos ang pundasyon ng modelong pangekonomiya na patuloy na nagtatakda ng direksyon ng bansa. Pinagpatuloy lamang ito ng mga sumunod na administrasyong. Ramos, Estrada, Arroyo, Aquino, at Duterte — iba-ibang pwersa, magkakaibang personalidad, pero pare-parehong polisiya at economic manager. ⁣

Pribatisasyon, deregulasyon, at liberalisasyon — sa madaling salita, ang pangunguna ng pribadong sektor sa pagtukoy ng mga prayoridad ng ekonomiya — ito ang neoliberalismo. Ito ang naging doktrina, ang “common sense” na naging gabay at sukatan ng seryosong pamumuno.

⁣

⁣Ano ang naging bunga ng bulag na pagtitiwala sa galing, talino, at kabaitan ng mga Ayala, Aboitiz, Razon, Sy, at iba pang mga oligarch?⁣

Ang ating kuryente, na binuksan sa pribadong sektor noong 2001, ay isa sa pinakamataas sa buong Asya. Ramdam natin agad ang bawat paggalaw ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado dahil pinili ng Estado ang deregulasyon kaysa pagpapatupad ng kontrol sa presyo. Ilang milyon ang binabayad natin kada buwan para sa tubig na hindi maasahan ang kalidad dahil naging negosyo na ang ating mga pangunahing serbisyo?⁣

Bulag na Pnanalig sa Pribadong Sektor

Sa harap ng mga kabiguan ng polisiya, patuloy ang pananalig ng ating mga economic manager sa merkado at pribadong sektor. Sabi ng ating mga kawani, ang pag-akit daw ng dayuhang kapital at pagsuporta sa pribadong sektor ang pangunahing layunin ng Estado. Ano ang ginawa ng mga kapibahay natin sa Asya? Nagpatupad sila ng klarong polisiyang industriyal (industrial policy) at pinagplanuhan ang pagpapalago ng ekonomiya.⁣

Imbis na magpundar ng mga industriya na maglilikha ng mga produktibo at maayos na trabaho, iniwan ng ating gobyerno ang ekonomiya sa kamay ng ating mga naghaharing negosyante. Hindi nakakagulat na mas pipiliin ng mga ito ang pagkakitaan ang mga monopolyo at sindikat kaysa suportahan ang mga pabrika at industriya. Ang resulta? Isang ekonomiya na “upper middle income” pero hindi makalikha ng sapat na disenteng trabaho.⁣

Ano ang gagawin ng mga kababayan natin kapag walang trabaho? Makipagsapalaran sa kalunsuran o ibang bansa.⁣

Imbis na tignan na kabiguan ng polisiya ang sistematikong pag-abroad ng ating mga manggagawa, ginawang pangunahing industriya ng mga dumaang gobyerno ang pag-export ng ating paggawa. Ang salaping pinapadala ng ating mga OFW (remittances) ang naging pamalit para sa ganap na industriyalisasyon.⁣

Ito ang dahilan kung bakit laganap pa rin ang kahirapan sa kabila ng paglago ng ekonomiya.⁣

Ito ang dahilan kung bakit malalim pa rin ang inekwalidad sa kabila ng malaking tubo ng mga kumpanya.⁣

⁣Ito ang dahilan kung bakit hindi umaangat ang ating mga sahod sa kabila ng ating gumagaling na produktibidad at husay sa paggawa.⁣

May Hangganan ang Ayuda — Kailangan ng Pagbabago!

Hindi sapat ang ayuda upang lunasan ang problema ng ating lipunan.⁣

Nakatutulong ang ayuda, makaliligtas ito ng buhay — lalo na para sa mga pinakamahirap sa bansa. Pero walang cash assistance program ang sasapat sa isang ekonomiya na mababa ang sahod, walang kasiguraduhan sa trabaho, at ang yaman ay nasa kamay lamang ng iilan. Kaya nito ibsan ang mga sintomas, pero hindi ang ugat ng ating mga problema. ⁣

Kailangan nating baguhin ang sistema. Magsimula tayo sa mga istruktural na mga reporma: ibasura na natin ang cheap labor strategy, magsabatas tayo ng nakabubuhay na sahod, bumuo tayo ng polisiyang industriyal, disiplinahin ang mga kumpanya at monopolyo, palakasin ang mga serbisyong publiko, at buwisan ng ankop at patas ang mga nakikinabang sa sistema upang mabago natin ito.⁣

Wala Ibang Magpapalaya kung hindi ang Ating mga Sarili.⁣

Kailangan pa ba ipaliwanag kung bakit walang interes ang mga naghaharing uri na askyunan ang mga pagbabagong nabanggit natin?⁣

Nakikinabang sila sa sistemang umiiral.⁣

⁣Patuloy na naghahari-harian ang mga dinastiyang pulitikal at malalaking negosyante sa ating bansa. Nasa interes ng mga ito na panataliin ang kasalukuyang kaayusan sa Pilipinas.⁣

Mayaman ang kasaysayan sa mga halimbawa ng isang katotohanan: Ang pagbabago at pagpanalo ng ating karapatan ay hindi kusang binibigay. Hindi ito nagmumula sa kabaitan ng mga namumuno. Ang pagbabago ng ating kalagayan ay produkto ng organisado at malawak na pakikibaka.⁣

Kung magkakaroon man ang Pilipinas ng isang ekonomiya na pinagsisilbihan ang mga manggagawa imbis na tubo, hindi ito magsisimula sa mga dinastiya o negosyante. Magsisimula ito sa pagkakaisa at pagkilos ng mga manggagawa – hindi lamang upang idemanda ang mas mataas na sahod o ayuda, pero upang isulong ang alternatibong modelo ng ekonomiya.⁣

Hindi sira ang sistema. Nakadisenyo ito para manatili tayong mahirap.⁣

Hanggang kailan natin tatanggapin ang ganitong kalagayan?


LEARN Staff

LEARN Staff

For questions, you may reach out to our staff via the following channels:
Email: learnpilipinas@gmail.com
Mobile phone: +63 949 660 2002

Privacy Preference Center