Katakot-takot na problema ang dinulot ng Covid-19 sa buong mundo, di lang sa Pinas.

Dito, lubhang apektado ang lahat dahil sa iba’t ibang CQ (community quarantine) na bara-barang pinataw habang pinapalabas na pasaway ang mga hindi makasunod sa magulong classification ng quarantine.

Marami ang napilitang maghanap ng alternatibong pagkakakitaan, kasama na ang freelancing, na nagdulot ng mga sumusunod na positibo at negatibong epekto:

May trabaho kahit may pandemya

Nung simula pa lang ng pandemya, napansin ni Eula*, freelancer ng halos 9 years, ang biglang taas ng interes sa trabahong freelance.

Ilang linggo bago magpandemya, nagbuo siya ng isang grupo para i-share ang kanyang kaalaman at expertise sa freelancing.

Sabi niya: “The initial target was only around 20-50 heads. I didn’t expect it to balloon to around 400 once we released videos when the lockdown started.”

Nag-umpisa rin siyang tumanggap ng mga mensahe ng agam-agam dahil sa kawalang-katiyakan: Meron pa ba akong babalikang trabaho? Saan pwedeng kumita ng extra?

At syempre, dagsa ang interes ng mga nawalan ng trabaho.

 

Imahe mula sa https://pixabay.com

 
Di na nag-co-commute

Dagdag dusa at parusa ang pag-commute dahil sa mga CQs. Sobrang daming naglalakad, nag-ba-bike, pumipila nang matagal para sa kokonting bumibiyahe noong pandemya para lang makapasok sa trabaho.

Iwas-Covid

Si Anne* ay isang sales representative na nag-freelance pagkatapos magkasakit.

Sabi niya: “Nagka-Covid ako nung nagka-surge at naubos ko lahat ng leaves ko. Ayaw naman akong bayaran ng kumpanya nung nag-quarantine ako dahil nga ubos na leaves ko.”

“Nung umpisa, pinayagan nila kami ng work from home (WFH) para tuloy-tuloy lang ang takbo ng trabaho. Pero nung nag-relax na ang restrictions, pinapasok na nila kami on-site. E, dun naman ako nagka-Covid — twice. Na-stress talaga ako. Kahit na ang daming bills at babayarin, natakot ako para sa kalusugan ko at ng pamilya ko.”

Hawak ang sariling oras

Hawak ng freelancer ang sarili niyang oras at work space — basta merong computer at stable na internet connection, OK na.

Tipid sa overhead ang kumpanya

Para sa mga kumpanya, ang ganitong set-up ay nakakatipid sa mga gastusin sa work space, equipment, internet, kuryente, maintenance, at iba pang gastusing operations.

May bagong negosyo

Umusbong din ang sari-saring manpower outsourcing platforms na nag-o-offer ng abot-kayang serbisyo. Ang tanong: Paano nila nababayaran nang tama ang kanilang mga empleyado kung napakamura ng kanilang singil?

ALAM MO BA?

  • Pre-pandemic noong 2019, ika-6 sa top 10 freelance markets in the world ang Pilipinas, sabi ng Forbes, na may 35% growth rate kumpara sa 2018.
  • Kabilang sa freelance work ang digitally-oriented careers tulad ng virtual assistance, customer support, social media marketing, ads management, telemarketing, appointment setting, web development, atbp. Nakadepende ang kita ng mga manggagawa sa napagkasunduan; pwedeng output-based, fixed rate, o komisyon.
  • Ang Senate Bill 1469 o ang National Digital Careers Act ay minungkahi noong May 2020. Mas nakatutok ito sa “skilling, upskilling, and re-skilling” ng mga manggagawa. Wala itong partikular na mga probisyon para protektahan ang mga manggagawa na nakapaloob sa classification na ito.

Mas maliit na sahod

Naghanap ng trabahong WFH at direct hire si Anne. Pero alaws. Kaya tinuon niya ang pansin sa freelancing sa pamamagitan ng outsourcing platform, Upwork. Bilang beginner, hamon sa kanya na magkaroon ng kliyente na magbabayad nang wasto o pantayan man lang ang sweldo ng kanyang dating 9-to-5 job.

TIP: Sa mga platform na ganito, importante ang makilala ka muna para rin tumaas ang trust rating sa mga kliyente at nang makapaningil ng mas mataas na compensation.

Walang security of tenure, walang security of payment

Ang kasalukuyang assignment ni Anne ay gumawa ng content para sa kliyente niya sa social media at blogs. Sa kanilang verbal na kasunduan ng kanyang kliyente, mapupunta sa kanya ang 20% ng total monthly earnings mula sa ginawa niyang content.

Wala silang kasulatang kontrata ng kliyente. Wala pa rin silang pinag-usapan tungkol sa mode of payment. “May dalawang linggo ko na rin itong ginagawa, pero di ko pa rin alam kung paano ko kukunin ang bayad sa akin o kung magkano ito,” sabi ni Anne nang medyo nahihiya. “I haven’t built a reputation yet. Someone’s gotta start somewhere.”

Walang benefits

Tulad ni Anne, si Jona ay isa rin freelancer, bagamat mas matagal na. Nagkatrabaho siya sa pamamagitan ng isa pang outsourcing platform, Bruntwork. Nag-umpisa siya sa mga project-based jobs. Ngayon na-absorb siya (kahit di pa rin siya direct hire) bilang Customer Service Representative.

Di tulad ni Anne, may kontrata siyang tinutukoy kung ano talaga ang trabaho niya at magkano ang kikitain niya. “I got this job through an employee referral, and we have a fixed rate monthly. The client even gives us incentives aside from the monthly salary.”

Kahit mukhang mas maayos ang kalagayan ni Jona kay Anne, pareho silang walang benefits na meron ang direct hire.

Walang SSS, Philhealth, at Pag-IBIG contributions. Wala ring service incentive leaves, holiday pay, overtime pay, night differential pay, o 13th month pay.

PALAISIPAN: Ano tingin mo?

Karamihan ng outsourcing platforms ay off-shore at mukhang walang paki sa mga batas-paggawa ng bayan ng kanilang mga manggagawa.

Magkatulad ang outsourcing platforms at manpower agencies sa kanilang ginagawa: di nakukuha ng manggagawa ang dapat sa kanila at mapagsamantala ang relasyon nila sa manggagawa nila.

Bagamat global top-ranking ang Pinas sa digital career growth, hindi lang ito numbers. Kinakatawan ng statistics ang mga totoo at buhay na tao na nagsusumikap sa kabila ng napakahirap ng sitwasyon.

Panahon na para pansinin naman ng gobyerno ang mga mangggawa; huwag deadmahin.

Ang tanong: Bagamat maaaring mas makita na sulitin ang lakas-paggawa, di ba mahalaga rin ang kapakanan ng mga freelancer?

Ikaw, ano ang experience mo sa trabahong freelance? Thumbs-up ba o thumbs-down?

 

*Di tunay na pangalan

 
Sources

Senate Bill 1469. An Act Supporting the Growth and Development of Digital Careers in the Philippines
https://legacy.senate.gov.ph/lisdata/3266629527!.pdf

Angara sees growth of digital careers in PH after COVID-19
https://www.pna.gov.ph/articles/1103106

Unique gig economic situation in PH calls for nuanced approach.
https://www.manilatimes.net/2021/05/30/opinion/unique-gig-economic-situation-in-ph-calls-for-nuanced-approach/1801152

Labor Code
https://blr.dole.gov.ph/category/labor-code/

Gig Economy
https://nwpc.dole.gov.ph/wp-content/uploads/2020/10/Gig-Economy_rev.09.30.20.pdf

Bruntwork: How It Works
https://www.bruntwork.co/how-it-works/

Upwork
https://www.upwork.com/i/how-it-works/freelancer/